Biyernes, Setyembre 26, 2014

Kamusmusan

Taong 1980 namulat si Nene sa isang masalimuot at magulong buhay. Bata pa ang kanyang ina ng ito ay mag-asawa kaya lumaki si Nene na iba-ibang tao ang nag-aaruga sa kanya. "Nay, nasaan po ang Tatay?" ang tanong ni Nene sa kanyang ina. "Bakit po tuwing Biyernes lang sya umuuwi dito sa bahay". "Hay naku! wag ka ngang maraming tanong at baka malasin ako sa sugal mamaya." "Dito ka lang ha! at pag dumating ang Tatay mo takbo ka kaagad sa pasugalan para makauwi ako kaagad." ang bilin ng Nanay. "Opo Nay." Ito ang klase ng buhay na namamalas ni Nene sa araw-araw.
"Tatay, Tatay" ang masayang salubong ni Nene sa kanyang ama. "Pwede ba pagod ako Nene, nasaan ang Nanay mo tawagin mo nga." ang pasinghal na sabi ng ama na hindi man lang nilingon ang kawawang bata. 
"Nay, bakit po ganun si Tatay? Bakit hindi ko po sya pwedeng halikan at yakapin, lagi po kasi syang galit sa akin eh."  ang inosenteng tanong ni Nene. "Anak tutal malaki ka na at malapit ka ng mag-aral siguro dapat mo na rin malaman ang buong katotohanan" ang sabi ng Nanay. "Ano po iyon Nay." "Nene hindi sya ang tunay mong ama at kerida lang ako ng Tatay mo" ang pag-amin ng ina. Sa munting kaisipan ni Nene siya ay napaisip at namangha sa kanyang nalaman. Naiwan siya sa isang sulok na maraming katanungan sa kanyang isip. Maya-maya maririnig ang mumunting hikbi ng bata, niyakap ang sarili at nakatulog. Mula ng malaman ni Nene ang katotohanan naging mailap na rin siya sa nakilala niyang ama.
Lumipas ang tatlong taon.
"Nay bakit po kayo malungkot?"  "Anak, iiwanan na tayo ng Tatay mo" pahikbing sabi ng ina. "Saan po siya pupunta?" tanong ni Nene. "Penitisyon na siya ng kanyang anak sa Amerika doon na siya titira" ang sabi ng Nanay.
Kinabukasan araw ng Biyernes hinintay ni Nene ang kanyang ama. "Tay, pwede ko po ba kayong makausap" ang pagsusumamong tanong ni Nene. "Sige anak ano yun" ang sagot ng ama. "Tay, mahal nyo po ba ako?" ang inosenteng tanong ni Nene. " Oo naman anak, di ba ibinigay ko sayo ang aking apelyido" ang sagot ng ama. "Bakit po kayo aalis, babalik pa po ba kayo?" tanong ni nene. "Anak marami pang bagay ang hindi mo pa maiintindihan ngayon pero balang araw mauunawaan mo rin ang lahat" sabi ng tatay. "Tatay, pwede ko po ba kayong yakapin" pagsusumamo ni Nene. "Sige halika anak" ang sabi ng tatay. Sa unang pagkakataon nayakap at nahalikan ni Nene ang nakilalang ama. Sobrang kaligayahan ang naramdaman ni Nene ngunit sa bandang huli kalungkutan din ang namayani dahil ito rin ang huling pagkakataon na makakasama niya ang kanyang ama.
Bago umalis ay nag-iwan ng malaking halaga ang kanyang ama. "Deling, gamitin mo ang perang ito sa negosyo para mabuhay mo ng maayos si Nene" ang bilin ng ama.
Pero dahil sa ang ina ay lulong sa sugal, ang pera sanang makakatulong sa kanilang pamumuhay ay nauwi sa wala. Lumipas pa ang ilang buwan at wala ng natirang pera. Dahil sa wala ng maipambayad sa renta ng bahay ay tumakas ang mag-ina at umuwi ng Bicol.

(itutuloy)